Retrato ng lalaking 'dumudumi' sa paso sa Intramuros nag-viral

ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2020 07:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaghahanap ngayon ng Manila police ang isang lalaking hinihinalang dayuhan, na nakuhanan ng retrato na mistulang dumudumi sa isang malaking paso sa makasaysayang Intramuros, Maynila noong Linggo.

"We will coordinate with the Intramuros Administration," ani Maj. Rosalino Ibay ng Manila Police District-Special Mayor's Reaction Team (MPD-SMART)

Nanawagan din si Manila Mayor Isko Moreno sa publiko na ipakalat pa ang larawan para matunton ang lalaki.

"Kung sa bansa nila, kaya nilang mag-display ng mga ari nila... not in our city, more so not in our historical site. Papanagutin natin sila," ani Moreno.

Nag-viral sa social media ang retratong kuha ng estudyanteng si Dos Alvarado habang nasa educational tour sa Intramuros noong Linggo.

Kita sa retrato ang puwet ng lalaki habang nakaupo sa isang malaking paso na animo'y dumudumi.

"Pinost ko 'yong photo na 'yon to spread awareness sa country natin, sa government," ani Alvarado.

Tinukoy ng ilang netizen na Chinese ang lalaki pero sa orihinal na post, mukhang banyaga lang ang sinabi ni Alvarado.

Sa pahayag ng Intramuros Administration, sinabi nitong agad silang nag-imbestiga pero walang nakitang bakas ng dumi ng tao sa tinukoy na lugar.

Dapat daw ay agad itong isinusumbong sa awtoridad kapag may ganitong pambabastos umano sa mga heritage site.

Sa hiwalay na text ni Intramuros Administrator Guiller Asido sa Manila Public Information Office, sinabi niyang baka anti-Chinese lang ang uploader ng photo.

Pero itinanggi ni Alvarado ang palagay ng administrador. -- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.