11 hinihinalang kaso ng novel coronavirus sa PH inoobserbahan

ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2020 02:48 PM | Updated as of Jan 27 2020 08:09 PM

Mahigpit na binabantayan ng mga tauhan ng NAIA Terminal 1 ang mga biyaherong dumarating sa bansa dahil sa pagkalat ng novel coronavirus mula China. Mark Demayo, ABS-CBN News

(UPDATE) Binabantayan ng Department of Health (DOH) ang 11 dayuhan na nasa bansa, na posibleng nahawahan ng bagong uri ng coronavirus na galing Wuhan, China.

Ang mga hinihinalang may novel coronavirus ay nasa Metro Manila, Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon and Palawan), Western Visayas, Eastern Visayas, Central Visayas, at Northern Mindanao, sabi ni Health Secretary Francisco Duque III sa isang press briefing ngayong Lunes.

Watch more in iWant or TFC.tv

American, Chinese, Brazilian at German ang nationality ng mga inoobserbahan na pawang bumiyahe sa Wuhan, China, ayon sa kalihim.

Muling iginiit ni Duque na wala pang kumpirmadong kaso ng novel coronavirus sa bansa.

Umapela rin ang kalihim sa publiko na huwag basta-basta maniwala at magpakalat ng impormasyon kaugnay ng sakit kung hindi naman ito beripikado.

"Let us not be party to the viral spread of infodemic, to the viral spread of false, fake news because this will not do any good," ani Duque.

Ilang paaralan sa Metro manila ang nagkansela ng pasok ngayong Lunes kaugnay ng novel coronavirus.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa isang pahayag, pinabulaanan ng Manila Health Department ang kumalat na impormasyon sa social media na may kaso ng bagong coronavirus sa Binondo.

Pinayuhan din ni Education Secretary Leonor Briones ang mga paaralan na makipag-ugnayan sa DOH at sa mga local government unit bago magpatupad ng suspensiyon kaugnay ng coronavirus.

"If they do suspend, these are their own decisions, but they have to conduct make up classes," ani Briones.

MGA SINTOMAS

Kabilang sa mga sintomas na ipinapakita ng mga nahawahan ng novel coronavirus ay lagnat, ubo, at kahirapan sa paghinga, ayon kay Duque. Puwede rin daw itong mauwi sa pneumonia, severe acute respiratory syndrome (SARS), paghina ng kidney o bato, at kamatayan.

Ang sakit na galing Wuhan ang pinakabagong uri ng coronavirus, na isang pamilya ng mga virus na kinabibilangan din ng SARS at Middle East respiratory syndrome coronavirus (MERS-CoV).

Bilang pag-iingat kontra sa sakit, ipinayo ng mga health official ang pag-practice ng proper hygiene o pagiging malinis sa katawan, at pag-iwas sa pakikipagkamay at pagbebeso.

Mahigpit na binabantayan ng mga airport personnel ang mga dumadating na biyahero, lalo iyong mga galing China, para sa novel coronavirus.

Suspendido rin muna ang mga flight sa pagitan ng Wuhan at Pilipinas.

Bumagsak naman ang bilang ng mga bumibiyahe mula at papuntang China dahil sa coronavirus, ayon sa Airline Operators Council.

Sa China, umabot na sa 2,744 ang bilang ng kaso ng bagong coronavirus. Nasa 80 naman na taong nahawahan ng virus ang namatay na.

Bukod sa China, mayroon na ring mga kaso ng novel coronavirus sa Australia, France, Japan, Malaysia, Singapore, Nepal, South Korea, Taiwan, Thailand, United States, at Vietnam. -- May ulat nina Pia Gutierrez, Raphael Bosano, Apples Jalandoni, at Jacque Manabat, ABS-CBN News, at mula sa Agence France-Presse 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.