Simbahan sa Sulu pinasabog, 20 patay

ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2019 03:54 PM | Updated as of Jan 28 2019 12:02 PM

Dalawang bomba ang sumabog sa isang simbahan sa Jolo, Sulu nitong Linggo. Retrato mula sa Armed Forces of the Philippines Western Mindanao Command

Dalawampung tao ang namatay kasunod ng pagsabog ng dalawang bomba sa isang simbahan sa bayan ng Jolo, Sulu nitong umaga ng Linggo, ayon sa mga awtoridad.

Kasama sa 20 namatay sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral ang 15 sibilyan at limang sundalo, base sa tala ng pulisya nitong alas-2 ng hapon ng Linggo.

Nasugatan naman ang 81 tao, kasama ang 65 sibilyan, 14 sundalo at dalawang pulis, ayon kay Chief Superintendent Graciano Mijares ng Autonomous Region in Muslim Mindanao police.

Naunang sinabi ni Mijares na 27 ang nasawi sa mga pagsabog pero itinama niya rin ito. Nagkaroon daw ng double entries sa tala.

Sumabog ang unang bomba bandang 8:30 ng umaga sa gitna ng misa, ayon kay Colonel Gerry Besana, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines Western Mindanao Command.

Isa namang bomba ang sumabog sa parking area ng simbahan habang rumeresponde ang puwersa ng gobyerno sa naunang pagsabog, ani Besana.

Nangako ang Malacañang na dudurugin ang mga taong nasa likod ng mga pagsabog.

"The Armed Forces of the Philippines will rise to the challenge and crush these godless criminals. We will pursue to the ends of the Earth the ruthless perpetrators behind this dastardly crime until every killer is brought to justice and put behind bars," sabi sa isang pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Nangyari ang pagsabog ilang araw lamang matapos maratipika ang Bangsamoro Organic Law (BOL), na magbibigay daan sa pagtatag ng bagong rehiyon sa Mindanao at magbibigay sa mga Muslim doon ng mas malawak na kapangyarihang pamahalaan ang kanilang sariling rehiyon.

Pero para kay National Security Adviser Jun Esperon, masyado pang maaga para sabihing konektado ang mga pagsabog sa plebisito sa Bangsamoro, na bahagi ng isang kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

"We have yet to establish if the two explosion are related to the all-important BOL," ani Esperon.

Tumanggi ang Sulu na mapabilang sa bubuoing Bangsamoro region matapos magwagi ang botong "no" sa plebisito.

Tinitingnan din ng mga awtoridad kung kagagawan ng Abu Sayyaf Group ang insidente.

Pinaigting naman ng mga awtoridad ang seguridad hindi lang sa Jolo kundi pati sa mga kalapit na lugar gaya ng Zamboanga City at Basilan.-- Ulat nina Queenie Casimiro, Leizel Lacastesantos at Jewel Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.