Rehabilitasyon ng Manila Bay inumpisahan na

ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2019 03:37 PM | Updated as of Jan 27 2019 08:23 PM

Pormal nang inilunsad nitong Linggo, Enero 27, 2019 ang rehabilitasyon ng Manila Bay. Mark Demayo, ABS-CBN News

(UPDATED) Libo-libong tao, kasama ang ilang miyembro ng Gabinete, ang lumahok nitong Linggo sa paglulunsad ng rehabilitasyon ng Manila Bay.

Nasa 5,000 tao, kabilang ang mga government worker at volunteer, ang nagmartsa mula Quirino Grandstand hanggang Baywalk, hudyat ng pagsisimula sa rehabilitasyon.

Kabilang sa mga nanguna sa okasyon sina Environment Secretary Roy Cimatu, Interior Secretary Eduardo Año, Public Works Secretary Mark Villar, Defense Secretary Delfin Lorenzana, Police chief Director General Oscar Albayalde, at Metropolitan Manila Development Authority Chairman Danilo Lim.

Sa kaniyang talumpati, inatasan ni Año ang mga local government unit (LGU) at mga barangay sa paligid ng Manila Bay na magsagawa ng cleanup drive o paglilinis kada linggo.

Nagbabala si Año na maparurusahan ang mga LGU o barangay na hindi susunod.

Bukod sa ceremonial launch, nagkaroon din ng cleanup activities o paglilinis sa ilang bahagi ng Navotas, Las Piñas, Cavite, Bulacan, Pampanga at Bataan, na may mga estuwaryong konektado sa Manila Bay.

Layon ng rehabilitasyon ng mapababa ang nibel ng fecal coliform – isang uri ng bakterya – sa Manila Bay.

Lumabas sa isang water sampling nitong buwan na naglalaman ng average na 330 milyon MPN (most probable number) fecal coliform ang Manila Bay, malayo sa katanggap-tanggap na antas na 100 MPN.

Inaasahang tatagal ng ilang taon ang rehabilitasyon at nangangailan ng pondong aabot sa P47 bilyon.

MGA 'LUMABAG' NA ESTABLISIMYENTO

Tatlong establisimyento naman ang binigyan ng cease and desist order nitong Linggo ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) matapos umanong mahuling nagpapalabas ng maduming tubig papuntang Manila Bay.

Maaari naman daw ituloy ng Aristocrat Restaurant, Gloria Maris Sharksfin at The Esplanade San Miguel ang kanilang mga operasyon pero pinutol na ang kanilang water source dahil sa paglabag.

"Pinutulan ng water source para immediately wala na silang chance na makapag-pollute sa ating Manila Bay," ani LLDA general manager Jaime Medina.

Pinagmumulta rin ang tatlo ng hanggang P200,000 kada araw simula nang matanggap ang order.

Anim na establisimyento naman ang binigyan ng notice of violation dahil sa parehong paglabag. Kasama rito ang Aliw Inn, SM Corporate Office, SM Prime Holdings, SM Ferry Terminal, SMDC Sea Residences at Lola Taba Lolo Pato Seaside. -- Ulat nina Bianca Dava at Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.