Mga residente malapit sa ilog sa Davao, inilikas dahil sa pagtaas ng tubig

Clarabelle Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2019 09:36 AM | Updated as of Jan 27 2019 10:03 AM

Inilikas ang ilang residente ng Davao City na malapit sa ilog dahil sa pag-apaw ng tubig

DAVAO CITY - Inilikas ng mga awtoridad ang mga residente malapit sa Davao river dahil pag-apaw ng tubig dito nitong Linggo ng madaling araw.

Sabado pa lang ng gabi umabot na sa critical level ang Davao river kaya't nagpatupad agad ng puwersahang paglikas sa mga residente dito.

Isa ang Jade Valley Subdivision sa Brgy. Buhangin sa mga unang naapektuhan sa pag-apaw ng ilog. Hanggang tuhod na ang lalim ng tubig sa mga kalsada dito.

Hanggang tuhod na rin ang lalim ng tubig sa mababang lugar sa Matina Gravahan.

Sa distrito naman ng Bunawan, mahigit 30 pamilya ang nasa evacuation center.

Mahigit 200 pamilya naman ang nasa A.L. Navarro National High School matapos umapaw din ang Lasang River.

Buong araw na umulan sa Davao City nitong Sabado dahil sa tail end of a cold front kaya umapaw ang ilog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.