Kagawad, magsasaka arestado dahil sa paglabag sa gun ban

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2019 10:35 PM

SOLANA, Cagayan - Nahaharap ngayon sa reklamong paglabag sa Omnibus Election Code ang isang opisyal ng barangay at kasama nitong magsasaka sa bayan na ito matapos mabistong may baril noong Sabado ng hapon.

Ayon kay Chief Inspector Pepito Mendoza Jr., hepe ng Solana Police, nagsasagawa sila ng checkpoint sa Sitio Villa Salud ng Barangay Gadu kaugnay sa election gun ban nang dumating ang isang sasakyan lulan ang dalawang lalaki.

Pero sa halip na tumuloy sa checkpoint kahit na sinenyasan na ng pulis ay nagmaneobra umano ang driver ng sasakyan.

Kitang-kita rin umano ng awtoridad ang pagbaba ng isa sa mga pasahero ng sasakyan kung saan ay may iniwan itong isang bagay sa daan.

Nang usisain ng awtoridad, natuklasan na ito ay bag na naglalaman ng isang AK-47, dalawang magazine at mga bala.

Sa hot pursuit operation ay nahuli sina Marlon Bernardo, 35 taong gulang, at Jeffrey Laddaran, 30 taong gulang na kapwa residente ng Barangay Palao.

Sinampahan na ang dalawa ng reklamong paglabag sa election gun ban.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.