Buong araw ang buhos ng ulan sa Albay kaya't nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa posibleng pagkakaroon ng lahar kung saan dumaraan ang tubig mula sa bulkang Mayon.
Dagdag kalbaryo naman ito sa mga residente dahil kung dati ay banta lang ng nag-aalborotong bulkan ang nasa isip nila, ngayon ay pati na rin ang posibilidad na dumaloy ang lahar.
Sa may Maninila sa bayan ng Guinobatan, Albay, malakas ang naging agos ng tinatawag na "sediment-laden streamflows" o baha na may dalang buhangin o abo na may kaunting bato.
Sa katabing barangay ng Masarawag, nahirapan namang tumawid ang mga residente sa river channel dahil, bagama't mababa pa ang tubig, malakas ang naging agos nito.
Ayon sa Phivolcs, ang tubig na umaagos ngayon ay hindi pa ang tinatawag na lahar flow.
"Masyado pang mabilis 'yung tubig at kaunti pa ang laman na abo o di kaya'y buhangin . . . Ang strict definition ng lahar ay kung ang composition ay 20% solid and at least 80% na tubig. Pero ito malabnaw. Pero kapag lahar na, malapot [at] puwede itong semento," ani Phivolcs director Renato Solidum.
Pinapayuhan na lumikas paakyat sa mas mataas na lugar ang mga residenteng nakatira malapit sa river channels.
Noong 2006 ay umagos ang lahar mula Mayon papunta sa may 30 barangay bunsod ng ulang dala ng bagyong Reming.
Higit 1,000 katao ang naitalang namatay noon.
--Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, TV Patrol, Bantay Mayon, Mayon, volcano, Phivolcs, Philippine Institute of Volcanology and Seismology