PAGASA: 'Amihan,' tail-end of a cold front nagdadala ng pag-ulan

ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2018 11:04 AM

MAYNILA - Dalawang weather system ang nagdudulot ngayon ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.

Ayon sa PAGASA, ang tail-end of a cold front ay nakakaapekto sa eastern section ng Central at Southern Luzon, habang hanging amihan (northeast monsoon) pa rin ang umiiral sa Northern Luzon.

"Kung may mga ulan tayong nararanasan, partikular dito sa Kamaynilaan, dulot 'yan ng pag-iral ng northeast monsoon, kaya ang pag-ulan natin ay mahihina lamang at kung minsan ay medyo sustained, bagama't di naman lumakas," paliwanag ni weather forecaster Obet Badrina, Sabado ng umaga.

Hanging amihan din ang nakakaapekto sa bahagi ng Cagayan Valley, Cordillera at ilang parte ng Central Luzon.

Ang tail-end of a cold front naman ang umiiral sa Calabarzon, Bicol Region, Eastern Visayas, at mga lalawigan ng Mindoro, Marinduque at Aurora.

"Sa mga lugar na ito, posible ang malalakas na pag-ulan na maaring magdulot ng minsanang biglaang pagbaha at pagguho ng lupa," ani Badrina.

Pulo-pulong pag-ulan, pag-kulog at pag-kidlat naman ang mararanasan sa ibang bahagi ng bansa.

Samantala, wala rin umanong inaasahang bagyo na papasok sa Philippine Area of Responsibility sa ngayon, subalit nakataas pa rin ang gale warning o ang babala sa malalakas na pag-alon ng karagatan dulot pa rin ng northeast monsoon.

"Pinapayuhan natin ang ating mga kababayan, lalung-lalo na 'yung maliliit na sasakyang pandagat na iwasan muna ang pumalaot sa bahagi ng Northern Luzon, gayundin sa silangang baybayin ng Central at Southern Luzon at sa silangang baybayin ng Eastern Visayas," paliwanag ni Badrina.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.