Maliliit na negosyo sa paligid ng nasunog na NCCC Mall, sarado na

Rodirey Salas, ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2018 06:30 PM

Sarado na karamihan ng karenderya malapit sa nasunog na NCCC Mall sa Davao City dahil sa matumal na benta. Rodirey Salas, ABS-CBN News

DAVAO CITY - Nagsara na karamihan ng mga maliliit na negosyo sa paligid ng nasunog na NCCC Mall dito sa lungsod dahil sa matumal na benta.

Halos wala nang mga customers na pumupunta sa mga maliliit na kainan o karenderya sa loob ng DBP Village dahil wala nang empleyado o mamimili ang pumupunta sa lugar kung saan namatay ang 38 katao dahil sa sunog noong Disyembre.

Sa walong mga kainan o karenderya sa lugar, anim ang nagsara na at 2 na lang ang nananatiling bukas.

Sarado na karamihan ng karenderya malapit sa nasunog na NCCC Mall sa Davao City dahil sa matumal na benta. Rodirey Salas, ABS-CBN News

Ang mga bukas pang karenderya na dating naghahain ng nasa 30 putahe kada araw ay nagluluto na lamang ng 5 ulam na hindi rin nauubos sa isang maghapon.

Dalawa na lang ang natitirang bukas na kainan malapit sa nasunog na NCCC Mall sa Davao City, gaya ng karenderyang ito. Rodirey Salas, ABS-CBN News

Nagsara na rin ang ibang mga establisimyento sa gilid ng highway malapit sa mall.

Ayon sa Davao City Investment and Promotions Center (DCIPC), pinag-iisipan na ng lokal na pamahalaan kung anong mga programa ang maaring makatulong sa mga negosyanteng apektado ng pagsasara ng nasunog na mall.

Kabilang sa mga tinitingnang programa para sa mga negosyante ang pagbibigay ng mga training sessions at business counselling assistance upang makabalik sila sa paghahanapbuhay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.