Magkapatid na seafarer, patay sa pamamaril

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2018 02:54 PM | Updated as of Jan 27 2018 03:27 PM

Patay sa pamamaril ang magkapatid na seafarer sa barangay Punta Princesa, Cebu City, Sabado ng madaling araw.

Nakilala ang mga biktima na sina Niel Bryan Ong, 28, at kapatid na si Nick Benzen, 25.

Ayon sa pinsan ng mga biktima na tumangging magpakilala, nag-iinuman umano sila sa loob ng isang cafe nang biglang may lumapit na isang lalaki at binaril si Nick. 

Tinangka umano ni Niel na gantihan ang suspek pero maging siya ay binaril din.

Parehong may mga tama ng bala sa iba't ibang parte ng katawan ang magkapatid.

Hindi pa nakikilala ng awtoridad ang salarin na ayon sa mga nakakita ay naka-mask at sakay ng motorsiklo.

Patuloy din ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa motibo ng pamamaril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.