Mag-anak, 2 iba pa huli sa buy-bust sa Negros Occidental

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2018 09:36 AM

Huli sa buy-bust operation ng PDEA-Region 6 ang mag-asawang Lauro at Doris Arevalo, anak at dalawang iba pa sa loob ng kanilang bahay sa Silay City, Biyernes ng gabi. Martian Muyco, ABS-CBN News

Nalambat sa buy-bust operation na ikinasa ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 6 (PDEA) ang isang mag-anak at dalawang iba pa, Biyernes ng gabi sa Silay City.

Arestado si Lauro Arevalo, asawang si Doris at anak na si Mark. Ang isa pang anak na menor de edad ay nasa pangangalaga na ng Department of Social Welfare and Development. 

Subject ng naturang operasyon si Lauro, na ayon sa awtoridad ay nasa drugs watchlist ng pulisya.

Bukod sa pamilya Arevalo, nadakip din ng mga operatiba sina Mark Saguid at Lowen Mondragon na nasa bahay ng mag-anak nang mangyari ang operasyon. 

Nasamsam din mula sa mga suspek ang 16 na sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P125,000 at mga drug paraphernalia.

Kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang ihahain laban sa mga naaresto. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.