Ilang unit owners, hindi makuha ang titulo ng condo kahit bayad na

ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2018 07:38 PM | Updated as of Jul 26 2019 04:45 PM

Watch more in iWantTFC

Dismayado ang ilang unit owners ng isang condominium sa Mandaluyong dahil wala pang titulo na naibigay sa kanila kahit nakumpleto na nila ang bayad ilang taon na ang nakalipas. 

Bagaman maganda ang puwesto ng Pioneer Woodlands ng Empire East sa kahabaan ng EDSA at harap ng Boni MRT Station, nagreklamo sa “Tapat Na Po” ang ilang residente dahil wala pa silang titulo. 

Kabilang dito sina alyas “Jamila” na 2013 pa nakapagbayad at alyas “Lauren” na natapos ang hulog sa condo noong 2015. 

“Unacceptable lalo na binili ko siya as investment so since wala akong title, hindi ko masabing akin ‘yon,” ani Jamila. 

Bukod pa rito, hindi rin anila natupad ang pangakong amenities gaya ng swimming pool at access sa MRT.

May nilagay din umano na septic tank sa entrada ng Tower 1 na nagdudulot ng masamang amoy. 

Idinulog naman ng “Tapat Na Po” sa Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) ang problema at napag-alamang may cease and desist order (CDO) ang Pioneer Woodlands. 

“CDO issued on October 14, 2013. Ang reason is incomplete development,” ayon kay Commissioner Luis Paredes ng HLURB. 

Sinagot din ng HLURB ang tanong kung kailan makukuha ng mga condo owner ang titulo.

“Usually six months from full payment,” ani Paredes. 

Paliwanag naman ng developer na Empire East, nililinis pa ang mother title at isusunod na ang paglabas ng individual title.

Hindi na rin umano gumagana at tatanggalin na ang septic tank.

Isinara rin daw ang koneksiyon ng condo sa MRT dahil sa isyu sa pagitan ng MRT at local government unit.

Nagkikipag-ugnayan na rin anila sila sa HLURB para matanggal ang cease and desist order.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.