Hotel worker, patay nang mabangga ng trak sa Baguio

Melinda Ramo, ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2018 02:44 PM

Dead on the spot ang isang babae matapos mabangga at magulungan ng 10-wheeler truck sa Baguio City, Biyernes ng hapon.

Nakilala ang biktima na si Amanda Moreno, 27, housekeeping staffer ng isang hotel.

Ayon sa mga saksi, nakita nilang nabunggo ng trak na may kargang buhangin at graba si Moreno sa Marcos Highway bandang alas-2 ng hapon. Ang sasakyan ay minamaneho noon ni Marcelino Bey-Agan. 

Sinigawan umano ng mga saksi ang drayber at doon lang niya nakita na nasa ilalim na ng kaniyang trak ang biktima. Sinubukan niya umano itong tulungan pero huli na ang lahat.

Lumabas lang si Moreno sa hotel na pinagtatrabahuhan para bumili ng softdrinks at sigarilyo. Pabalik na sana siya sa trabaho nang maaksidente.

Isinalarawan si Moreno ng mga kasama sa hotel bilang masipag at maaasahan kaya isang linggo pa lang ng training ay naging regular na agad siya sa trabaho. 

Bukod sa trabaho sa hotel, waitress pa ito sa isang restaurant sa gabi. Lahat ay para matustusan ang mga pangangailangan ng kaniyang tatlong anak edad 4, 7 at 11.

Tubong Maynila si Moreno pero nanirahan sa Baguio kasama ang kaniyang live-in partner. Ayon sa kaniyang stepson na si Mero Glanida, mabait na madrasta si Moreno at hindi pa nila matanggap ang nangyari sa kaniya.

Humihingi naman ng tawad ang driver ng trak na nasa kustodiya na ng pulis. 

May iniwasan lang daw siyang butas sa kalsada nang mga panahong iyon nang bigla daw tumawid si Moreno. 

Mahaharap siya sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.