Construction worker, patay sa pananaksak sa Calamba

ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2018 12:02 AM

Patay sa pananakasak ang isang construction worker sa Calamba City, Laguna nitong Huwebes.

Kinilala ang biktima bilang si Roberto Masagca, Jr. na natagpuang walang buhay malapit sa riles ng tren sa Barangay Parian, Calamba City. Positibo itong kinilala ng dating live-in partner, ayon sa pulisya.

"Bale ito po ay inireport laang naman po ng isang concerned citizen kagabi po na nagulat nga po sila na may natagpuan po dung isang lalaki na nakahandusay at patay na nga daw po,” ani Evangeline Lantican, hepe ng imbestigasyon sa Calamba City Police.

Tadtad ng saksak si Masagca sa iba't ibang bahagi ng katawan. Hindi pa malinaw kung paano nahantong dito ang biktima.

"Sa profiling naman po na ginawa natin dun sa biktima ay hindi naman po natin siya masasabing involved sa ano po kasi wala naman po siya sa ating records po initially. So ang ano lang po natin sa kanya, base na rin po dun sa information na binigay na binigay ng dati niyang ka-live-in partner ay isa lang po siyang construction worker,” ani Lantican.

Patuloy ang imbestigasyon ng Calamba City Police para matukoy ang salarin at ano ang naging motibo nito sa pananaksak sa biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.