Babala ng Phivolcs: Posibilidad ng lahar flow sa paligid ng Bulkang Mayon, mataas

ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2018 10:28 AM | Updated as of Jan 28 2018 01:40 PM

Sa kuhang ito noong Huwebes, kita ang muling pagbuga ng lava at abo sa Bulkang Mayon, na patuloy ang pag-aalburoto. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Mataas ang posibilidad na magkaroon ng lahar flow dala ng malakas ng pag-ulan sa paligid ng nag-aalburotong Bulkang Mayon sa Albay, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum, maaaring anurin ng tubig ang mga abo at bato na nailabas na ng bulkan kung magpapatuloy ang pag-ulan. 

"Nandiyan ang mataas na posibilidad [ng lahar flow] dahil sa kasalukuyan, umuulan dito at kailangan nating maghanda sa mga tuloy-tuloy at malakas na pag-ulan na puwedeng anurin ang mga abo at bato na dineposito sa kasalukuyang eruptions. Pero kahit na luma na, sa mga ilog ay puwede pa rin ma-mobilize," paliwanag ni Solidum.

Pinayuhan din ni Solidum na lumikas muna ang mga residenteng nakatira malapit sa mga ilog.

"May mga lugar din na maliban sa danger ng eruption, 'yun pong sa mga ilog at malapit sa mga lugar ng ilog, kailangan din tingnan kung may mga tao doon o kung sakaling may malakas na pag-ulan, dapat nagsisilikas muna," sabi niya.

Binanggit ng Phivolcs na delikado sa lahar flow ang mga river channel na sakop ng mga bayan ng Daraga, Camalig at Guinobatan. 

Pinag-iingat din ang Legazpi City at Santo Domingo, Albay na malapit sa river channel.

Ayon sa PAGASA, umiiral ngayon ang tail-end of a cold front sa ilang bahagi ng Luzon, kabilang na ang Bicol region, at sa Eastern Visayas kung saan posibleng makaranas ng malalakas na pag-ulan na maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa. 

"Although sa Legazpi, kung nasaan ang Bulkang Mayon, medyo mahina ang ulang nararanasan pero ini-expect natin na maaring magpatuloy ang pag-ulan kaya posible ang binabanggit natin na
magkaroon ng lahar," sabi ni weather forecaster Obet Badrina sa DZMM.

Tuloy-tuloy pa rin ang pagmo-monitor ng PAGASA sa magiging lagay ng panahon, partikular sa Bicol Region.

Ayon kay Solidum, patuloy pa rin ang paglabas ng lava sa bulkan. Nangangahulugan umano ito na mayroon pa ring magma na umaakyat sa bunganga ng Mayon.

"Inaasahan pa rin natin na ang mga aktibidad ng bulkan ay magpapatuloy," sabi ni Solidum.

Nananatili pa ring nakataas ang Alert Level 4, ang ikalawa sa pinamataas na antas ng alerto, sa Bulkang Mayon dahil sa patuloy nitong pagbuga ng lava at abo. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.