Mag-asawa, patay matapos mabangga ng bus ang sinasakyang motor

Val Balita, ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2017 05:47 PM

Photo courtesy of PNP Lopez

LOPEZ – Patay ang mag-asawa matapos mabangga ng pampasaherong bus ang sinasakyang motorsiklo sa bahagi ng Maharlika Highway sa Barangay Pansol, Lopez, Quezon, Biyernes ng madaling araw.

Kinilala ang mga biktima bilang sina Venia Arella Zamora, 46, residente ng Barangay Villahermosa, Lopez, at ang asawa nitong si Zosimo Zamora, 50.

Ayon sa ulat ng pulisya, parehong papunta sa direksyon ng Lopez Town Proper ang 2 sasakyan. Sinubukan umanong mag-overtake ng Silver Star Bus sa motorsiklo, pero nang mapansing may paparating na sasakyan ay kinabig ng drayber ang bus kaya nabangga ang motorsiklo ng mga Zamora.

Kaagad na namatay si Venia. Isinugod naman sa ospital si Zosimo, pero binawian din ito ng buhay.

Hinahanap ngayon ng kapulisan ang drayber ng bus na si William Botor, na tumakas umano bago dumating ang mga otoridad.

Tubong Boa, Camarines Sur, nahaharap si Botor sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide.