PatrolPH

Mga silogan, mamihan dumaraing sa presyo, suplay ng itlog

ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2023 02:47 PM | Updated as of Jan 26 2023 06:56 PM

Watch more News on iWantTFC

(UPDATE) Pagkatapos ng pagsipa ng presyo ng sibuyas noong mga nakaraang linggo, ang itlog naman ang nagtaas ng presyo.

Sa Malansing Market, piso ang itinaas ng kada piraso ng itlog mula sa small hanggang extra large.

Pangunahing sangkap ang itlog sa maraming negosyo gaya ng mga eatery at mamihan.

Sa isang karinderyang pinuntahan ng TeleRadyo, umakyat na sa P15 mula sa dating P12 ang presyo ng prito at nilagang itlog. Samantala, nagdagdag na ng P5 sa presyo ng kanilang tindang itlog. 

Ayon sa ilang kainan, mahirap ding makahanap ng supply ng itlog sa palengke. 

"Sa amin ang diskarte namin medyo ina-adjust lang namin halimbawa 'yung ulam, medyo binabawasan namin. 'Di kami tumataas kasi mahirapan din ang mga customer namin. 'Yung ginagawa namin ina-adjust na lang namin 'yung takal ng ulam," anang may-ari ng eatery na si Elma Villarete. 

Kaunti na rin ang paggamit ng itlog sa ibang putahe at ulam para hindi na nila taasan pa ang presyo para sa mga suki nilang nagtitipid din dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin.

"Kahit nagtataas 'yung presyo ng itlog, hindi kaya magtaas ng amo namin, magtaas ng presyo kasi ayun ang hinahanap ng customer hanggang kaya nila... Tumataas naman lahat kaso kung nakukuha lang sa tamang presyo, okay na din," ayon sa tindera ng mami na si Sarah Gutierrez. 

Bukod sa sinasabing mababang suplay ng itlog na naging dahilan ng taas-presyo, naipapasa rin sa mga konsumer ang patong sa presyo ng mga biyahero. 

"Siyempre nadagdagan po expenses nila at pinapasuwelduhan pa nilang tao. Sa krudo nila, sa meals ng kasama nila, sa pagde-deliver nila hindi maiwasang may nababasag," ayon sa tindera ng itlog na si Lizette Tedera. 

Pero dahil maraming layer farms sa Central Luzon ang nalugi dahil sa bird flu, sa ibang lugar hinuhugot ang suplay para matustusan ang demand doon. 

"'Yong ibang farm sa Central Luzon, para ma-satisfy ang customer nila, sila ang bumibili sa Batangas kasi may mga matagal na nilang customer, mga suki ayaw nilang mapabayaaan 'yan. Kung lumiit nag production nila dito, kukuha sila sa Batangas para ma-augment ang kanilang supply," ani Philippine Egg Board chairman Gregorio San Diego. 

Inatasan na rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agriculture department na alamin kung bakit tumaas ang presyo ng itlog sa mga palengke. 

— Ulat nina Lady Vicencio at Champ de Lunas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.