PatrolPH

Dalawang putol na kamay ng tao natagpuan sa basurahan sa Bacolod

ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2023 12:05 AM

BABALA: May mga sensitibong detalye sa ulat na ito.

MANILA — Nakita ang dalawang putol na kamay ng tao sa isang basurahan sa Bacolod City ngayong Miyerkoles.

Nakasilid ang mga ito sa isang ice cream container na may laman ding hinihinalang sabaw ng nilaga nang makita sa Purok Kagaykay, Barangay 2 ng nasabing lungsod. 

Sa loob ng container, may plastic na naglalaman ng papel kung saan nakalista ang ilang pangalan at nakasulat ang katagang, "Lahat kayo kung hindi titigil, raffle lang ito."

Ayon kay Punong Barangay Emelda Banguanga, mga residente ng Barangay 2 ang nasa listahan. Karamihan sa kanila ay mga dating bilanggo o mga isinailalim sa parole and probation, habang ang iba naman ay naka-schedule na sumailalim sa drug rehabilitation. 

Kabilang sa listahan ang isang 30-anyos na babaeng dating nakulong sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga. Nangangamba siya sa maaaring mangyari sa kaniya kaya't umalis siya sa barangay Miyerkoles ng umaga. 

"Kinakabahan ako, baka paglabas ko bigla akong dadamputin. Yan kasi ang nangyayari ngayon," aniya sa wikang Hiligaynon. 

Naghahanap ang pulisya ng CCTV footage para makilala ang nag-iwan ng container. Inaalam din kung kanino ang putol na kamay. 
 
Nagpulong ang mga pulis at barangay council nitong hapon kaugnay sa lumabas na listahan. 

— Ulat ni Romeo Subaldo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.