PatrolPH

Mga kongresista maaari naman bigyan ng sariling mga budget, ani Marcos

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2022 04:05 AM

MAYNILA—Walang nakikitang problema si presidential aspirant Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. kung mabigyan ng pondo ang kada kongresista para makapagsagawa sila ng sariling mga proyekto.

Sa panayam sa DZRH-Manila Times the “Presidential Job Interview” ngayong Martes ng hapon, tinanong si Marcos kung dapat bang ibalik ang pagkakaroon ng tinatawag na “pork barrel” na idineklara na ng Korte Supremang labag na sa batas.

“Sa aking palagay, pwede naman bigyan ang congressman, pero hindi pork barrel. Iyon lang kung kasama doon sa national plan, sa infrastructure na nasa program, eh dapat nga. Lalo na iyong ibang lugar masyado mahirap ang tao, tutulungan natin sila, doon natin ilalagay ang mga proyekto na iyan,” sagot ni Marcos.

Aniya, ito ay para may maipagmalaki naman ang mga kongresista na sarili nilang mga proyekto kapag darating ang halalan.

“Ang reklamo ng congressman pagdating ng halalan, o bago maghalalan wala silang maipapakita sa taumbayan na kanilang ginawa. Mahirap maipaliwanag na, ‘Maganda ang batas na naipasa natin na maramdaman natin in 10 years’. Mahirap iboto. Iyong mayor na kalaban mo, sinasabi tingnan mo itong ipinatayo kong eskwelahan, maganda itong tulay, maganda itong aking nagawa,” paliwanag ni Marcos.

Matatandaang nakasuhan ng graft at plunder cases ang ilang mga senador at mga kongresista dahil napakinabangan umano nila ang kanilang priority development assistance fund o PDAF nang ilagay ang mga ito sa mga bogus non-government organizations o NGOs.

MULA SA ARKIBO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.