PatrolPH

Fully vaccinated kontra COVID-19 sa Calabarzon, higit 8 milyon na

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2022 02:05 PM

Umabot na sa higit 8.7 milyon ang nakakumpleto ng bakuna kontra COVID-19 sa Calabarzon o Region 4-A, batay sa datos ng kanilang regional health office. 

Sa huling tala ng Department of Health-Calabarzon nitong Lunes, nasa 75 porsyento na ng target na 11.6 million na populasyon ang nakatanggap ng ikalawang dose ng bakuna sa rehiyon.

Pinakarami ang nabakunahan sa Cavite na umabot na sa 2.5 milyon, o katumbas ng 82 porsyento ng target population.

Sa higit 8 milyong fully vaccinated sa rehiyon, mayroon pang higit 1 milyong nakatanggap ng booster dose.

Mula nitong Martes ay nasa 31,568 ang aktibong kaso sa Calabarzon, pinakamarami sa Cavite na may 11,420.

“May araw pong tumataas. May araw pong bumababa [ang mga kaso]. Pero hindi gaanong ganon kataas ang pagtaas,” ani DOH-Center for Health Development-Calabarzon Assistant Regional Director Leda Hernandez.

Sa kabila ng mataas na bilang ng nagkakasakit, sinabi ni Hernandez na nananatili namang mababa ang paggamit ng ospital sa rehiyon, bukod sa Batangas na nasa moderate risk ang paggamit ng ICU beds.

Ayon kay Hernandez, unti-unti na ring bumabalik ang mga healthcare worker sa duty matapos magkasakit nitong huling dalawang linggo.

Kaugnay na video: 

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.