PatrolPH

Aklan nagtala ng unang kaso ng omicron variant

ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2022 07:40 PM

Nakapasok na sa probinsiya ng Aklan ang COVID-19 omicron variant, ayon sa mga awtoridad nitong Miyerkoles.

Sa opisyal na pahayag na inilabas ng provincial health office ng Aklan, ang unang kaso ay isang 42-anyos na babae mula sa bayan ng Batan. Fully vaccinated umano ang pasyente na isang symptomatic high risk close contact.

Kinuhanan umano siya ng swab sample noong Dec. 26 at sa kaparehong araw lumabas ang positive COVID-19 result niya.

Noong Jan. 7, ipinadala ang kaniyang specimen sample sa Philippine Genome Center para sa whole genome sequencing, at lumabas na positibo ito sa mas nakahahawang variant na omicron.

Sa ngayon ay natapos na niya ang kanyang 14-day home quarantine at nakarekober na umano.

Nagpaalala ang PHO Aklan sa mga residenteng magpabakuna at magpa-booster shot bilang dagdag proteksyon laban sa COVID-19.

Sa datos na inilabas ng regional COVID-19 case bulletin nitong Martes, 
Enero 25, nakapagtala ng 61 na bagong kaso ng COVID-19 ang Aklan. Nasa 1,892 ang aktibong kaso.

— Ulat ni Rolen Escaniel

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.