Tolentino, nangangamba sa bagong batas ng China na nagbibigay pahintulot sa Coast Guard na mamaril ng mga bangka

Robert Mano, ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2021 10:27 PM

MANILA - Nagpahayag ng pangamba si Senador Francis Tolentino sa bagong batas ng China na nagpapahintulot sa Chinese Coast Guard na barilin ang mga foreign vessel sa karagatan na magiging epektibo sa ika-1 ng Pebrero.

Giit ni Tolentino, maraming mangingisdang nasa laot na posibleng maapektuhan ng bagong batas ng China.

Mayroon aniyang mga mangingisdang galing sa Zambales, Mindoro, Palawan, Batangas at Cavite na posibleng maharap sa panganib.

Dapat din umanong bigyang pansin ang isa pang nilalaman ng bagong batas ng China na nagbibigay kapangyarihan sa kanilang Coast Guard na sirain ang lahat ng estruktura na itinayo sa Chinese-claimed reef at sumakay sa mga sasakyang pandagat at mag-inspeksyon kapag dumaan sa kanilang sinasabing sakop na karagatan.

Aminado naman si Tolentino na hindi niya alam ang eksaktong epekto ng bagong batas ng China sa ating bansa.

Hindi rin niya alam ang solusyon.

Posible aniya na sa pamamagitan ng diplomatic front gaya ng Association of Southeast Asian Nations o hindi kaya ng Biden presidency sa US o direktang pakikipag-usap sa China ay masolusyonan ang mga suliraning maaring maging dulot ng bagong batas na ito.

Si Senador Richard Gordon, sinabi naman na dapat magpaliwanag ang China kung ano ang intensyon nito.

Dapat umanong pag-usapan na rin ito ng militar lalo't may barko sa Pag-asa Island at runway na malalagay sa peligro.

Posible rin aniyang magdulot ng tensyon ito lalo't dumaraan sa pinag-aagawang teritoryo ang mga barko ng Australia, United Kingdom, Amerika at iba pa.

Rekomendasyon ni Gordon, magdaos ng executive session at imbitahan ang mga military officials at iba pang opisyal ng gobyerno para malaman kung ano ang plano nila para dito.

Nararapat din aniyang malaman ang paliwanag ng China dahil sa dalawang mukha na ipinapakita nito - isang kapitbahay na mabait habang sa kabilang banda ay nagbabanta na kukunin ang mga teritoryo ng ibang bansa.

RELATED VIDEO

Watch more in iWantTFC