Live-in partner patay sa pamamaril sa Capiz

ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2021 05:17 PM

Patay ang mag-live-in partner matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa bayan ng Sigma, Capiz umaga ng Martes.

Kinilala ang mga biktima bilang sina Rodrigo Nepomuceno, 55, at Rondalia Sarona, 57.

Pawang taga-Barangay Mianay sa Sigma ang mga biktima at nagpapatakbo ng negosyo sa lugar.

Sa imbestigasyon ng pulisya, may narinig na sunod-sunod na putok ng baril ang mga residente ng lugar bandang alas-7:30 ng umaga.

Nadatnan umano ng mga residente na nakahandusay at duguan sina Nepomuceno at Sarona sa loob ng kanilang tindahan.

Nabatid ng mga awtoridad na dati nang nakulong ang dalawa dahil sa mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

Isang gray na Toyota Innova ang namataang mabilis na umalis sa lugar matapos ang pamamaril sa mag-live-in partner.

Patuloy na inaalam ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng mga salarin at motibo sa krimen. — Ulat ni Rolen Escaniel

 RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.