Lalaki nahulihan ng 1 kilo ng marijuana sa Tondo

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2021 05:45 AM

MAYNILA - Arestado ang isang 22-anyos na computer technician matapos mahulihan ng nasa 1 kilo ng marijuana sa Tondo, Maynila Lunes ng gabi.

Sa ulat ng Manila Police District, nagsagawa ng buy-bust operation ang drug enforcement unit ng Jose Abad Santos Police Station sa target na si alyas “Lance” malapit sa tinitirhan nito sa Perfecto street.

Ayon sa pulisya, bumili ang poseur buyer kay Lance ng 2 sachet ng marijuana sa halagang P200. 

Pero pagkahuli, nasabat sa kanya ang nakarolyong mga dahon ng marijuana sa plastic na binalutan ng tape na nasa 800 gramo hanggang 1 kilo ang timbang.

Tinatayang nasa P125,000 ang halaga nito.

Nasa kustodiya ng MPD Station 7 ang suspek at nahaharap sa kasong drug selling at possession.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.