PatrolPH

DepEd kinalampag hinggil sa communication allowance, benefits ng mga guro

ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2021 06:22 PM

DepEd kinalampag hinggil sa communication allowance, benefits ng mga guro 1
Nagdaos ng protesta nitong Enero 26, 2021 ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa tanggapan ng Department of Education para ipanawagan ang agarang paglabas ng mga benepisyong matagal na anilang dapat ibinigay. Retrato mula sa ACT

MAYNILA — Nagkilos-protesta ngayong Martes ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa tanggapan ng Department of Education para ipanawagan ang agarang pag-release ng mga benepisyong matagal na anilang dapat ibinigay.

Kasama sa mga hiniling ng grupo ang communication allowance na nagkakahalagang P300 kada buwan.

"Ang ating mga guro ay hinahanapan ng kung ano-anong requirements upang patunayan kuno na gumastos ng P300 bawat buwan, na sa katotohanan po, mahigit libo ang gastos ng mga guro bawat buwan para sa communication," ani ACT Secretary General Raymond Basilio.

"Simula po magbukas itong school year na ito, sinagot ng mga guro ang lahat ng gastusin," aniya.

Pinababayaran rin ng grupo ang P10,000 na Service Recognition Incentive (SRI) para sa 2020, at ang performance-based bonus (PBB) para sa taong 2019 na katumbas ng 50 to 65 percent ng buwanang sahod.

Ayon kay Basilio, makailang ulit na silang humiling ng dayalogo sa DepEd hinggil sa mga benepisyo.

Pero ayon kay Education Undersecretary Annalyn Sevilla, naipatupad na ang P300 reimbursement para sa communication expenses ng mga guro.

Kasama rin umano talaga sa reimbursement procedure ang pagsusumite ng mga requirement.

Batay naman sa isang administrative order, nasa P10,000 ang maximum na SRI na puwedeng ibigay ng government agencies sa kada empleyado.

Pero sa pooled savings ng ahensya kinukuha ang SRI, na paghahatian ng eligible employees. 

Sa savings ng DepEd sa 2020 budget, nailaan ang P6,190 na SRI sa kada empleyado, ani Sevilla.

Ongoing naman ang evaluation, validation at accreditation ng PBB. At kapag eligible ang DepEd, ilalabas ang pondo direkta sa regional offices ng ahensya. 

-- Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.