Bureau of Customs: Higit P10 bilyong smuggled products nasabat noong 2020

ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2021 05:45 PM

MAYNILA—Aabot sa P10.629 bilyon ang kabuuang halaga ng smuggled goods na nasabat ng Bureau of Customs (BOC) noong 2020, ayon sa tanggapan. 

Galing ang mga ito sa 997 anila'y ilegal na shipment na nakumpiska ng tanggapan mula Enero hanggang Disyembre 2020 sa magkakahiwalay na operasyon. 

Sa bilang, 204 na kontrabando ang imported na sigarilyo at tobacco products na nagkakahalaga ng P5.7 bilyon. 

Aabot naman ng P1.85 bilyon ang halaga ng mga nakumpiskang droga na ipinupuslit sa loob ng bansa. Sumunod naman dito ang mga pekeng produktong nagkakahalagang P1.05 bilyon. 

Nagkakahalagang P32.58 milyon naman ang foreign currencies na nakumpiska ng Customs noong 2020. 

Umaabot sa P196.5 milyon na halaga ng personal protective equipment, medical supplies at cosmetics products ang nasabat din ng Customs noong nakaraang taon. 

Matatandaang tumaas ang demand sa mga PPE at medical supplies gawa ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic. 

Aabot sa P406.37 milyon ang halaga ng nakumpiskang smuggled general merchandise habang ang mga nakumpiskang sasakyan at automobile accessories naman, tinatayang nagkakahalaga ng P356.53 milyon.

Umabot naman sa P284.62 milyon ang mga agricultural product na naharang ng Customs.

Ayon sa tanggapan, walang kaukulang permit at clearance ang mga nakumpiskang mga produkto kaya maituturing na ilegal ang pagpasok ng mga itosa bansa. 

Bukod sa mga nabanggit, nasabat din ng Customs noong 2020 ang mga sumusunod na iba pang ilegal na items tulad ng:

  • mga goods at pagkain (P236 milyon), 
  • ukay-ukay na damit ( P168.285 milyon), 
  • electronic products (P95.174 milyon), 
  • wildlife & natural resources (P66.433 million), 
  • steel products ( P11.820 million), 
  • alcoholic beverages (P2.434 milyon), 
  • alahas (P7.28 milyon), 
  • iba't-ibang uri ng kemikal (P5 milyon), 
  • mga baril na wala ding kaukulang papeles (P303,000), 
  • at iba pang produktong nagkakahalaga ng P73.949 million.

Aabot din sa 126 kaso ang inihain ng Customs laban sa mga nasa likod ng illegal shipments mula Enero 1 hanggang Disyembre 31 noong 2020. 

Dito, 74 ang nakahain sa Department of Justice habang 52 ang administrative cases na naisampa naman sa Professional Regulation Commission. -- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

RELATED VIDEO: 

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.