Indian national, 2 iba pa, patay sa pamamaril sa La Union

Maira Wallis, ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2020 10:54 PM

SAN FERNANDO CITY, La Union - Tatlo ang patay sa pamamaril sa isang shop na nagbebenta ng electronic gadgets sa Barangay Carlatan, San Fernando City, La Union nitong Biyernes.

Kinilala ang mga biktima na sina Kareena Mirchandani, isang Indian national na manager din ng shop, ang empleyadong si Haide delos Reyes at security guard na si Ferdinand Gacayan.

Nangyari ang insidente bandang alas-6 ng gabi.

Nakunan ng CCTV camera sa loob ng shop ang pamamaril ng dalawang lalaki.

Idineklara ng doktor na dead on arrival sa ospital ang tatlong biktima.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga gunman at motibo sa krimen.

Taong 2016 nang makaligtas sa pamamaril ang mister ni Mirchandani na si Lal.

Hindi pa masabi ng mga pulis kung may kaugnayan dito ang panibagong insidente ng pamamaril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.