Alert level ng Taal ibinaba; mga residente sa piling bayan balik-tahanan na

ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2020 02:53 PM | Updated as of Jan 26 2020 06:41 PM

Bulkang Taal. Ryan Evangelista, ABS-CBN News

MAYNILA (UPDATE) — Ibinaba ngayong Linggo ang status ng Bulkang Taal sa alert level 3 mula 4 dahil sa pagbaba ng tsansang magkaroon ng hazardous eruption o mapanganib na pagsabog, ayon abiso ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Sa kabila nito, hindi pa rin umano dapat maging kampante ang publiko dahil hindi pa rin tumitigil ang aktibidad ng bulkan at hindi pa nawawala ang banta ng mapanganib na pagsabog.

Watch more in iWantTFC

"Ang pagbaba sa alert level 3 base sa mga parametrong binabanatayan ay nagpapakita ng pagbaba ng tendency towards towards hazardous eruption," ani Phivolcs officer-in-charge Renato Solidum.

"Pero ito po ay hindi nangangahulugan na ang aktibidad ng Taal Volcano ay tumigil na, o di kaya'y ang banta ng mapanganib na eruption ay nawala na po. Nandyan pa po," dagdag niya.

Noong Enero 12, itinaas ng Phivolcs ang alert level 4 sa Taal, dahilan para puwersahang lumikas ang mga residente mula sa mga bayang sakop ng 14-kilometer danger zone.

Ang alert level 4 ay nangangahulugan ng posibilidad ng isang mapanganib na pagsabog sa mga susunod na oras o araw.

Dahil sa pagbaba ng alert level, maaari nang makauwi ang mga residente sa mga bayan ng Batangas na naka-lockdown, maliban sa Agoncillo at Laurel, ayon sa gobernador ng lalawigan na si Hermilando Mandanas.

Hindi pa puwedeng makabalik ang mga taga-Agoncillo at Laurel dahil sakop ang parehong bayan ng 7-kilometer danger zone sa ilalim ng alert level 3, ayon kay Mandanas.

"It is still possible that Taal Volcano may still erupt. Therefore, all returning residents must be constantly alert, vigilant and ready to evacuate within one hour," aniya.

Sa isang abiso, inilista ang mga lugar kung saan maaari nang makabalik ang mga residente: Alitagtag, Balete, Cuenca, Lemery, Lipa City, Malvar, Mataasnakahoy, San Nicolas, Sta. Teresita, Taal, Talisay, and Tanauan City.

Nilinaw ni Mandanas na walang transportasyon at pagkaing ibibigay sa mga tao sakaling magpasya silang bumalik sa kanilang mga bayan.

Iyong mga nasa evacuation center lang daw ang bibigyan ng mga pangangailangan.

Nananatili namang naka-lockdown ang volcano island dahil ito ay permanent danger zone.

Watch more in iWantTFC

BALIK-TAHANAN

Matapos ang anunsiyo, daan-daang mga residente ang dumeretso agad pabalik sa kani-kanilang mga bayan.

Mistulang may motorcade sa Pansipit Bridge Taal-Lemery Boundary nang payagan na ang mga residente ng Lemery na makabalik sa kanilang mga bahay.

Deretso sa paglilinis ng kanilang mga naiwang lugar ang mga umuwing residente.

Watch more in iWantTFC

Sa Talisay, minamadali na ng Batangas Electric Cooperative 2 ang paglilinis sa mga insulator ng transmission lines bago ibalik ang suplay ng kuryente sa bayan.

Sa Balate, bukod sa mga bahay, agad inatupag ng mga umuwing residente ang kanilang mga kabuhayan.

May ilang mangingisda sa bayan ang agad nanghuli at nagbenta ng mga isda mula Taal Lake.

Watch more in iWantTFC

Kung may mga umuwi, may mga nagdesisyon namang manatili sa mga evacuation center, gaya ni Cassandra Cerrado na lumikas sa Batangas Sports Complex.

Bukod kasi sa walang masakyan, hindi pa matiyak ni Cerrado kung nakatayo pa ang kanilang bahay sa bayan ng Taal.

"Hangga't wala kaming masasakyan, mag-stay kami dito. Nabibigay naman po nila (mga pangangailangan)," aniya.

Sa Tagaytay City, nag-anunsiyo ang pamahalaang lokal na balik-eskuwela na simula Lunes, Enero 27, ang mga estudyante sa ilang paaralan.

Saktong 2 linggo nang magkaroon ng puwersahang evacuation sa maraming bayan sa paligid ng bulkan, dahilan para manatili ang libo-libong pamilya sa iba't ibang evacuation centers. —May ulat nina Bianca Dava, Jorge Cariño, Dexter Ganibe, Anjo Bagaoisan, at Jonathan Magistrado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.