12 barangay sa bayan ng Balete, Batangas naka-lockdown na

Jonathan Vega Magistrado, ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2020 12:09 AM

Halos buong bayan ng Balete sa Batangas ang isinarado, maliban ang Barangay Paligawan, dulot ng pag-aalboroto ng Taal Volcano. Jonathan Vega Magistrado, ABS-CBN News

BALETE, Batangas—Halos buong bayang ito ang lumikas na matapos na ipatupad ang lockdown sa 12 ng 13 barangay dito.

Mga taga-Barangay Paligawan na lang ang di pinapalikas sa bayan.

Partial lockdown na rin sa Brgy. Malabanan, kung saan naroon ang command center ng lokal na pamahalaan na nagsisilbi rin na evacuation center.

Kahit umuulan, di nagpatinag sa pila ang daan-daang apektadong residente na umaasa ngayon sa relief goods.

Si Liza Igle na isang barangay nutrition scholar (BNS), namasahe ng P28 mula evacuation center sa Lipa City maabutan lang ng supot ng bigas, noodles at mga de lata.

“Ako na-evacuate din ako, kaya ang hirap. Mahirap ang sitwasyon,” ani Igle.

Si Christian Paulo Vergara na nakikitira ngayon sa kapatid sa Lipa, natigil ang pag-a-apply ng trabaho dahil naiwan sa bahay ang mahahalaga niyang papeles matapos ipatupad ang forced evacuation.

“Hindi ko na na-follow up sa company, so wala akong update,” ani Vergara.

Di naman umubra ang pakiusap ni Sylvia Belen na magpapakain lang ng mga alagang hayop at kukunin ang naiwang gamit para di na siya pabalik-balik sa Barangay Makina.

“ ’Yung pinagbigyan kami ng dalawang oras na makalusong ngayon ay hindi na kami pinagbibigyan mga apat na araw na,” aniya.

Saad ni Balete Mayor Wilson Maralit, sumusunod lang siya sa utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na wala nang window hours.

Magpapa-print din daw ang alkalde ng hazard map ng Phivolcs para maintindihan ng mga tao kung bakit kailangan silang ilikas.

“Isang hazard map kada evacuation center makita nila at at least malalaman nila na bawal talaga sa 14 kilometer radius,” ani Maralit.

Umaasa rin siyang pagbibigyan ng DILG ang hiling niyang makapag-rescue ng hayop ang lokal na pamahalaan, kasama ang ilang animal welfare groups. 

Samantala, di hagip ng lockdown ang babuyan ni Randy Fariñas sa Brgy. Malabanan pero ramdam na umano ang epekto ng Taal sa negosyo niya.

“Meron kaming mga suki tulad ng Agoncillo . . . Kaya nangyari, eto medyo tambak ang baboy,” ani Fariñas.

Sa advisory ng Batangas Provincial Veterinary Office, sinabi na bawal ang pagdo-donate ng processed pork products dahil sa banta ng African swine fever.

Hinikayat nito ang mga donor na bilhin na lang ang baboy ng mga evacuee kung magsasagawa ng feeding activities.

Mahigit 20,000 tao ang naitala ng municipal social welfare and development office ng bayan na lumikas mula rito.

Higit 7,000 sa kanila ang tumutuloy sa evacuation centers habang higit 13,000 ang nasa mga kaanak o kaibigan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.