Higit P6 milyong halaga ng droga na itinago sa mga lata ng wafer sticks at gamit pambata ang tinanggap ng isang tricycle driver sa Hagonoy, Bulacan. Screengrab
Arestado ang isang tricycle driver sa Hagonoy, Bulacan noong Biyernes matapos tumanggap ng package mula Amerika na naglalaman ng higit P6 milyong halaga ng droga na itinago sa mga lata ng wafer sticks at gamit pambata.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nasa 950 gramo ng umano'y shabu ang nadiskubre sa package na nakapangalan sa tsuper na si Jeffrey Samson.
Ayon kay PDEA Region 3 director Gil Pabilona, naitimbre sa kanila ng Bureau of Customs (BOC) ang pagdating ng package sa Clark International Airport sa Pampanga noong Enero 22.
"Nagsagawa kami ng K-9 sweeping. Nag-confirm na mayroong drugs nga so nag-plan na kami ng controlled delivery," ani Pabilona.
Iginiit naman ni Samson na wala siyang alam na droga ang laman ng package dahil sombrero umano ang order niya.
"Tinawagan lang po ako na may pinadala daw po... Um-order lang ako bonnet [na] panlalaki," aniya.
Tingin ni Pabilona, may kaugnayan ang tinanggap na package ni Samson sa mga nauna nang nasamsam na droga mula Amerika na isinilid naman sa mga lata ng tomato sauce.
Tiniyak naman ng BOC na nakatutok sila sa pagsasagawa ng profiling sa mga package na dumarating sa mga airport at seaport.
-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, TV Patrol, Angel Movido, balita, war on drugs, wafer stick, gamit pambata, PDEA, krimen, war on drugs, Bureau of Customs, Philippine Drug Enforcement Agency, Region 3, Central Luzon, drugs