SOCO: Lalaki suspek sa pagpaslang sa sariling ama't ina

ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2019 02:39 PM

 

Hinuli ng mga awtoridad ang 27 anyos na si Rhenzie Magbanua matapos umano atakihin ang sarili nitong ama sa loob ng kanilang tahanan sa Camarin, Caloocan nito lamang Enero 1.

Kinilala ang biktima na si Lito Magbanua, 54.

Base sa medico legal report, blunt traumatic injury to the head o matinding pinsala sa ulo ang direktang ikinamatay niya.

Ayon sa kapatid ng suspek, umuwing lasing si Rhenzie noong gabing nangyari ang insidente.

"Nakipag-inuman po siya sa mga tropa niya doon. Then nung gabi na po sa bahay, nagwala [siya]. Tinulak niya po nang malakas 'yung pintuan namin," sabi ni Rona, kapatid ni Rhenzie.

Sunod naman daw pinuntirya ni Rhenzie ang ama nitong si Lito.

“Si papa po, nakahiga doon, tinadyak-tadyakan. Then pinagsusuntok-suntok niya po si papa sa mukha kaya nga po 'yung [mukha] ni papa, sabog po,” dagdag ni Rona.

Sinubukang awatin ni Rona ang panganay na kapatid, ngunit siya mismo'y napaupo nang tamaan sa hita.

Hindi pa raw nakuntento noon si Rhenzie dahil kumuha pa ito ng tubo.

"Nung nahawakan niya po 'yung tubo na 'yun, hinampas-hampas niya po si papa sa ulo. Nung matapos niya pang gawin 'yung krimen parang wala pong nangyari sa kaniya. Pumasok po siya sa kuwarto, natulog," malungkot na kuwento ng kapatid.

Ayon kay Rona, mahina ang katawan ng biktima dahil dati nang na-stroke ang kaniyang ama.

INA HINAMPAS NG TAKIP NG KALDERO

Inilahad din ni Rona na si Rhenzie rin ang naging ugat ng pagkamatay ng kanilang ina na si Imelda noong Nobyembre 2017.

Hindi na nagawang magreklamo ng magkakapatid na Magbanua dahil ito daw ang huling habilin ni Imelda sa kanila.

"Hinampas niya po ng kaldero. Hinampas niya po kay mama 'yun. Sabi ni mama sa amin 'Hayaan niyo na kuya niyo. Magbabago pa naman iyan.' Wala, iyak na lang po kami nang iyak," ani Rona.

PAGTANGGI

Mariin namang itinatanggi ng suspek ang mga akusasyon laban sa kaniya.

"Wala naman po talaga akong ginawa roon eh. Natutulog lang po talaga ako sa kuwarto namin. Hindi ko po kayang gawin 'yun. Kahit sino naman pong anak. Hindi ko kayang gawin 'yun sa sarili kong mga magulang," depensa ni Rhenzie.

Sa kabila nito, sinampahan pa rin ng kasong parricide si Rhenzie.

Hinimok naman ng Caloocan police ang naulilang magkakapatid na Magbanua na maghain ng reklamo kaugnay sa kaso ng pagpatay sa kanilang ina.

Panoorin ang buong kuwento sa “SOCO: Scene of the Crime Operatives” ngayong Sabado, Enero 26, 4:15 p.m. sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.