Pagawaan ng bakal sa Pampanga, ipinatigil ang operasyon

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2019 03:46 AM

Nadiskubre ng Department of Trade and Industry ang substandard steel bars sa isang pagawaan sa San Simon, Pampanga nitong Biyernes. ABS-CBN News

Isang pagawaan ng bakal sa San Simon, Pampanga ang posibleng ipasara matapos madiskubre ng Department of Trade and Industry (DTI) na gumagawa at nagpapamahagi ng substandard steel bars.

Hunyo 2018 nang unang suspendihin ang operasyon ng nasabing planta, nakapag-comply naman kaagad at muling bumalik sa operasyon, ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo.

Pero nang inspeksyunin matapos ang 5 buwan, muli itong bumagsak, partikular sa tensile strength ng mga bakal.

Kahit may pangalawa nang suspension order na ipinadala noong Disyembre 2018, tumambad pa rin sa kanila ang nasa 1,800 bundles ng rerolled steel bars na may lamang 250 piraso bawat bundle.

Kaagad na sinelyuhan ang mga dinatnang gamit at inutos na rin ng ahensya na ipatigil ang operasyon ng planta epektibo nitong Biyernes.

"Hindi nila pwedeng ilabas sa market ang concern talaga ng DTI dito hindi siya pwedeng makalabas otherwise hahabulin naman natin sa merkado," ani Castelo.

Ayon sa pinsan umano ng may-ari na si Jayson Tan, umoorder lang sila at hindi na tinitimbang ang mga suplay tulad ng bakal.

Sinubukan ng ABS-CBN News na makuhanan ng pahayag ang pamunuan ng nasabing planta pero walang humarap.

Ayon sa DTI, bukod sa manufacturers ay posible rin umanong makasuhan ang mga tumatangkilik na retailers dito.

Inihahanda na ng ahensiya ang mga kaukulang kasong isasampa laban sa nasabing planta na napag-alamang pagmamaari ng isang Chinese national.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.