Early registration sa paaralan sa Parañaque, dinagsa

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2019 04:23 AM | Updated as of Jan 26 2019 09:02 AM

Watch more in iWantTFC

Nagpalipas ng gabi ang daan-daang mga magulang ng mga batang papasok ng high school sa labas ng San Antonio High School sa Dr. A. Santos Road sa Paranaque. 

Hile-hilerang nakaupo ang mga magulang, karamihan mga nanay, sa sidewalk sa paligid ng paaralan. Nagdala ng pagkain at mahihigaan ang ilan. 

Sabi nila, gusto kasi nilang makauna sa pila ng enrollment para sa Grade 7 sa paaralan na magbubukas ng alas-8 ng umaga ng Sabado. First-come, first-served kasi ang pwesto sa paaralan. 

Noong hapon pa ng Biyernes pumila ang marami, na mula sa mga barangay ng San Antonio at Sampaloc na kalapit ng eskwelahan. 

Kasama ng ilang magulang gaya ng 36-anyos na si Maradel Benedicto ang kanilang anak. 

Naglako na rin ng mainit na kape si Benedicto. 

"Sinamantala ko na rin paninda ko para po kahit nakapila kami, nag-aalok ako sa mga nakapila rin para may kita. Kasi sigurado bukas mapupuyat ako di ako makakapaninda," sabi niya.

Kumuha naman ng birth certificate sa PSA si Clara Sauddin para sa bunso niyang si Gerimer bago sumama sa pila. 

Para sa kanya, importanteng makapasok ang anak sa naturang paaralan dahil ito na ang pinakamalapit sa kanilang lugar sa Bgy. Sampaloc. 

Bukod sa libre, menos na rin sa gastusin. 

"Nakakaano kami sa pamasahe kahit baon lang. Pamasahe okay lang, kahit magbaon na lang kami ng pagkain. At least hindi kami kabado na mapalayo sila," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.