Mag-asawang nalunod sa Maldives nailibing na

ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2019 04:37 PM | Updated as of Jan 27 2019 01:49 AM

Naihatid na sa kanilang huling hantungan sa Lumban, Laguna nitong Sabado ang mag-asawang nalunod sa kalagitnaan ng kanilang honeymoon sa Maldives noong Enero 13.

Parehong overseas Filipino worker (OFW) na nagtatrabaho bilang mga nars sina Leomer at Erika Lagradilla.

Napuno ang simbahan ng mga kaanak, kaibigan, at ilan pang nakiramay sa mag-asawa sa huling misang idinaos para sa kanila.

Nagpasalamat naman ang pamilya ng dalawa sa mga nakiisa at dumamay sa kanilang pagluluksa.

Hindi naiwasang bumuhos ang luha bago pa man ilabas sa simbahan ang kabaong ng dalawa.

Lalo pang tumindi ang pighati nang ilalagak na sa kanilang mga nitso ang mag-asawa.

Sa huli, magkatabing inilibing sa iisang nitso ang mag-asawa.

--Ulat ni Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.