Kennon Road, maaaring magamit paakyat ng Baguio sa Pebrero, Marso

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2019 11:50 PM

Maaaring gamitin ng mga turista ang Kennon Road sa pag-akyat sa Baguio City sa ilang petsa sa Pebrero at Marso. ABS-CBN News

BAGUIO CITY—Magbubukas ang Kennon Road sa mga turistang nais umakyat sa lungsod na ito sa ilang petsa sa Pebrero at Marso.

Ito'y para maibsan ang malubhang trapik sa pagdagsa ng mga turista para sa Panagbenga at Philippine Military Academy Alumni Homecoming.

"Starting February 14, 6 a.m. until February 18, bubuksan ito para sa light vehicles only and one way going up. From February 22 up until March 4 naman for Panagbenga," ani Cyr Bagayao, PIO ng Office of the Civil Defense-Cordillera (OCD-CAR).

Tanging light vehicles lang o mga sasakyang may bigat na hindi lalampas sa 5 tonelada ang maaaring makaraan. Kasalukuyan pang inaayos ang tulay sa bahagi ng Camp 5.

Paalala sa mga motoristang balak dumaan dito sa mga petsang nabanggit, maging alerto sa daan at tiyaking nasusunod ang mga alituntunin para sa ligtas na biyahe. 

Mainam na suriin muna ang makina bago bumiyahe para iwas disgrasya sa kalsada.

Bukod sa Kennon Road, maaaring gamitin paakyat ng Baguio ang Marcos Highway at Asin-Nangalisan-San Pascual Road.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.