Ilang bahagi ng Roxas Boulevard isasara sa Linggo

ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2019 10:19 PM

Pansamantalang isasara sa Linggo, Enero 27, ang ilang bahagi ng Roxas Boulevard sa Maynila para sa commemoration ride para sa SAF 44 at pagsimula ng Manila Bay Rehabilitation Project. File/Mark Demayo, ABS-CBN News

MAYNILA—Pansamantalang isasara sa Linggo, Enero 27, ang ilang bahagi ng Roxas Boulevard sa Maynila para sa commemoration ride para sa SAF 44 at pagsimula ng Manila Bay Rehabilitation Project.

Ayon sa Manila Police District (MPD), simula alas-3 ng madaling araw isasara ang southbound lane ng Roxas Boulevard mula Katigbak Dirve patungo sa P. Ocampo para sa commemoration ride.

Narito ang mga alternatibong kalsadang maaaring gamitin ng mga motorista:

  • Ang mga motoristang manggagaling sa Bonifacio Drive ay maaaring kumaliwa sa P. Burgos patungo sa destinasyon.
  • Ang mga daraan naman sa westbound lane ng P. Burgos ay dapat kumanan sa Bonifacio Drive o mag-u-turn patungo sa eastbound lane ng P. Burgos.
  • Ang mga dumadaan sa TM Kalaw patungo sa Roxas Boulevard ay maaaring kumaliwa sa MH Del Pilar o dumaan sa Roxas Boulevard service road.
  • Ang mga nasa westbound lane naman ng Pres. Quirino Avenue ay maaaring kumaliwa sa Adriatico. 
  • Ang mga daraan sa westbound lane ng P. Ocampo ay maaaring kumaliwa sa FB Harrison.
  • Ang mga patungo sa Maynila sa Manila Ocean park at Manila Hotel ay maaaring dumaan sa Katigbak Drive.

Samantala, isasara ang ang ilang bahagi ng southbound lane ng Roxas Boulevard mula TM Kalaw hanggang Pres. Quirino Avenue simula alas-5 ng madaling araw hanggang alas-9 ng gabi para sa pagsisimula ng Manila Bay Rehabilitation Project.

Isasara rin sa mga motorista sa southbound lane ng Roxas Boulevard mula sa bahagi ng Padre Burgos hanggang V. Sotto St. sa Pasay mula alas-3 ng hapon para bigyang daan ang 40th Fiesta del Santo Niño.

Kabilang sa mga alternatibong daan na maaaring gamitin ng mga motorista ang A. Bonifacio-R10 area, kumaliwa ng Padre Burgos palabas ng TM Kalaw at lumabas ng MH Del Pilar o Taft Avenue.

Ayon sa MPD, depende sa sitwasyon ng trapiko ang pagsasara at pagbubukas sa mga apektadong kalsada.

— Ulat nina Jeffrey Hernaez at Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.