Binakbak na kalsada na 'takaw-disgrasya' inireklamo

ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2019 04:22 PM | Updated as of Jan 26 2019 09:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang binakbak na kalye sa MacArthur Highway sa Bunlo, Bocaue, Bulacan na hindi umano pinantay ang inireklamo ng mga residente dahil bukod sa abala ay sanhi pa daw ito ng aksidente.

Isa na si Mark Vasquez sa mga naaksidente sa kalsada. Kuwento niya, humahabol siya noon sa Noche Buena pauwi nang sumemplang sa motor dahil sa bakbak sa kalsada.

"Tinulungan ako ng mga nakatambay doon. Dinala pa ako sa ospital. Sabi nila marami talagang naaaksidente dun," aniya.

Kung may warning sign man lang daw, naiwasan sana ang aksidente.

"Sana kung may ganiyang ginagawang daan, maglagay sila ng bakal na puwede madaanan para pantay 'yung daan tapos sana maglagay din ng signage or warning," aniya.

Ayon sa mga residente, marami nang nabiktima ang hindi pantay na kalsada na proyekto daw ng CM Pancho Construction para sa Bulacan Bulk Water Supply Project (BBWSP).

"Ang dami talagang sumesemplang diyan, di lang umaga pati gabi," ani Ernesto Acelajado, isang residente.

Idinulog ng "Tapat Na Po" sa administrador ng Bocaue ang problema at napag-alamang hindi naman pala sila nagkulang sa pagpapaalala sa kontraktor na ayusin o lagyan ng babala ang binakbak na kalsada para iwas-disgrasya.

"They have to restore everything at the original state, kung maaari nga mas pagandahin pa. Definitely hindi nila dapat ganyan iwanan," ayon kay Virginia Jose, municipal administrator ng Bocaue.

Paliwanag naman ng kontraktor, hindi natapos ang proyekto dahil sa Christmas holiday. Pero nangako ang kompanya na aayusin ito at maglalagay ng warning signs.

Nito ngang Enero 17, tuluyan nang inaspalto ang daan at maayos nang nadaraanan ng mga motorista.

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng Tapat Na Po.

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.