Bata sugatan sa pag-atake ng buwaya sa Palawan

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2019 05:01 PM

Sugatan ang isang bata sa pag-atake ng isang buwaya sa bayan ng Balabac, Palawan nitong Biyernes ng gabi.

Ayon kay Wildlife Traffic Monitoring Officer Jonathan Montalba, naliligo ang bata sa ilog kasama ang kapatid nang biglang sakmalin ng buwaya.

Base sa imbestigasyon ng Balabac Municipal Police, agad nasaklolohan ang bata ng ama nito na hinampas ng kahoy ang buwaya.

“Ang sabi po ng tatay nung tinawag siya nung isang kapatid, nung 'pag dating na niya doon sa ilog, di-nive niya agad sa tubig 'yung anak niya kasama 'yung buwaya. Tapos pinalo-palo niya rin lang hanggang sa mawala 'yung buwaya at nakita niya 'yung anak niya na ano na nabitawan (ng buwaya),” ani PO3 Allan Macasil, imbestigador ng Balabac Police.

Nagtamo ang bata ng sugat sa kaliwang braso, sa may mata, hita at tagiliran.

Agad dinala ang bata sa rural health unit ng bayan at nitong Sabado ay inihatid sa Brooke's Point Medicare Hospital.

Ito ang unang naitalang kaso ng pag-atake ng buwaya sa bayan ng Balabac ngayong taon matapos ang magkakasunod na pag-atake at mga crocodile sightings noong 2018.

Pinakahuling kaso ng pag-atake noong nakaraang taon ay ang pagkamatay ng mangingisdang si Cornelio Bonite na natagpuan ang bangkay sa Barangay Malaking Ilog, Balabac.

Kaya noong Nobyembre ay hinuli ng Palawan Council for Sustainable Development at Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center ang buwayang sinasabing umatake kay Bonite.

Isinusulong naman ng mga environmentalist na gawin nang crocodile sanctuary ang bayan ng Balabac.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.