Babae sinampal, sinakal umano ng pulis sa Laoag

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2019 02:56 AM | Updated as of Jan 26 2019 02:57 AM

LAOAG CITY - Inireklamo ng isang babae ang isang pulis sa Laoag City, Ilocos Norte matapos umano siyang sampalin at sakalin nito.

Ayon kay alyas Margie, Martes ng madaling araw noong una siyang pag-tripan umano ng pulis sa isang convenience store kung saan nag-iinuman ang kaniyang asawa nito at tatlo pa nitong kaibigan.

Dumating umano ang pulis at grupo nitong pawang mga lasing.

"Parang yung gusto nilang bumasag ng bote, ginaganon nila sa amin tapos nung hindi nakatimpi [yung] kasama niya binasag sa harapan po namin," ani alyas Margie.

Dahil sa nangyari, nagtungo si Margie sa istasyon ng pulisya para ireklamo ang pulis, sumunod si SPO1 Ronel Bolusan at sinampal at sinakal siya nang sila ay magkainitan.

“Sabi niya magreresponde daw siya pero pano siya magreresponde wala namang komosyon o nag-aaway dun," ani alyas Margie.

Sa imbestigasyon, lumalabas na hindi naka-duty si Bolusan noong araw na mangyari ang insidente, at pareho umanong nakainom ng alak ang pulis at biktima.

“Nung hindi na maawat ng ating officers dito na naka duty napagbuhatan ng kamay yung biktima," ani Supt. Mar Louie Bondoc, hepe ng Laoag City Police.

Ipinakita naman ni alyas Margie ang medico legal na hindi siya nakainom ng alak at ang pulis lang umano ang lasing.

Dinisarmahan at inilipat sa Police Provincial Office Bolusan, habang dinidinig ang kasong administratibo at kriminal na isinampa laban sa kaniya.

Sinubukan ng news team na kuhanan ng pahayag ang pulis, pero hindi ito mahagilap sa lugar na sinasabing kinaroroonan niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.