Halos 60 timbog sa magdamag na anti-crime ops sa Makati

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2019 09:26 AM | Updated as of Jan 26 2019 03:45 PM

Unang nilusob ng Makati police noong Biyernes ang bahay sa Camino Dela Fe kung saan nasamsam ang isang baril at 36 sachet ng umano'y shabu. Kuha ng Makati police

MAYNILA (UPDATE) – Arestado ang halos 60 tao sa Makati City matapos ang sunod-sunod na operasyon kontra droga at paglabag sa mga ordinansa ng lungsod.

Unang nilusob ng Makati police noong Biyernes ang isang bahay sa Camino Dela Fe sa Barangay Guadalupe Nuevo sa bisa ng search warrant para sa loose firearms.

Nakita doon ng mga pulis ang isang kalibre .38 na baril at 36 na sachet ng umano'y shabu.

Arestado sa tinaguriang drug den ang sampung lalaki kasama ang may-ari umano ng baril na si alyas "Joseph," 19.

Nakuha umano ng pulisya ang sumbong mula sa text.

"Mayroong binanggit na pangalan na malalakas magtulak ng droga. Bagama't silay nahuli na noon, hindi sila tumigil sa pagbebenta. Siguro 'yung nakakaalam nagsawa na sa kakasaway sa kanila," ani Senior Supt. Rogelio Simon, hepe ng Makati police.

Sunod nagsagawa ng buy-bust ang Makati police sa kanto ng Tanay at Osmeña street sa Barangay Valenzuela, kung saan naaresto ang apat na lalaki na nakuhanan ng shabu.

Sabado naman ng madaling-araw ay binuwag ng mga pulis ang grupo ng siyam na lalaking nagsusugal sa Barangay Pembo.

Dalawa sa kanila, nakuhanan pa ng anim na sachet ng shabu.

"Ang objective is ma-account lahat ng personality through convincing and police operation. Iyun 'yung time na puwedeng i-suggest itong barangay ay puwede nang i-declare na drug cleared," paliwanag ni Simon.

Bilang ng mga arestado sa anti-crime ops

  • Anti-drug operations: 35
  • Sugal at paglabag sa ordinansa: 22
  • May arrest warrant: 2

→Total: 59

Bukod sa 35 naaresto dahil sa droga, mahigit 20 ang makukulong dahil sa warrant, sugal, at paglabag sa mga ordinansa ng lungsod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.