2 umano’y rebeldeng NPA, patay sa engkuwentro sa Surigao del Norte

Lorilly Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2019 08:11 PM

BACUAG, Surigao del Norte—Narekober ang 2 katawan ng pinaniniwalaang miyembro ng New People's Army (NPA) matapos ang bakbakan sa pagitan ng mga rebelde at sundalo sa bayang ito, Biyernes.

Kinilala ang mga napatay bilang sina alyas "RK" at alyas "Jinky", ayon kay 1st Lieutenant Ken Enciso, civil military operations officer ng 30th Infantry Battalion.

Naagaw rin ng mga sundalo ang kampo ng NPA sa Barangay Payapag kung saan narekober ang isang AK47 at isang M16 rifle, mga gamot, dokumento at iba pang personal na gamit ng mga rebelde, dagdag ni Enciso.

Nagsagawa ng combat operations ang tropa ng mga sundalo sa naturang bayan matapos nilang maka-engkuwentro ang tinatayang 30 miyembro ng NPA na pinangunahan ng isang alyas "JD", sabi ng mga awtoridad.

Dinala na sa isang punerarya sa Bacuag ang mga narekober na bangkay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.