'Mayon, isang buwan pang mag-aalboroto'

ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2018 11:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Higit 76,000 katao na ang nasa mga evacuation center sa Albay dahil sa patuloy na pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.

Pero may ilan pa ring hindi umaalis sa loob ng 9-kilometer extended danger zone, at marami rin ang umaalis ng evacuation center pabalik sa kani-kanilang bahay.

Kahit na may mga itinalagang pulis sa iba't ibang checkpoints papunta sa paanan ng bundok, maraming maliliit pang daanan kaya't nakalulusot pa rin ang ibang bakwit.

Kaya sa bayan ng Camalig, pinutol na ang suplay ng kuryente't tubig sa isang barangay para pigilan na ang mga tao na bumalik.

Maging ang operation center ng Camalig, lumikas na rin mula sa munisipyo at pumuwesto na mas malayo sa Bulkang Mayon.

Sa katabing bayan ng Guinobatan, kita naman ang namumuting mga bubong ng mga barangay sa danger zone dahil sa kanila papunta ang direksiyon ng hangin.

Pero di tulad ng Anoling sa Camalig, marami-rami ang nasa loob ng danger zone sa barangay Masarawag sa Guinobatan.

"Maraming tao doon [sa evacuation center] kaya hirap maligo...Mas gusto namin rito kasi kabisado naman namin 'yong bulkan," saad ni Noel Yalon, residente.

Pero mukhang matagal-tagal pa ang pagtitiis na gagawin ng mga tulad ni Yalon, dahil ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), posibleng umabot pa sa isang buwan ang pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.

Marami pang ibang residente ang dumadaing sa kanilang pamamalagi sa evacuation centers. 

Problemado ngayon si Yolanda Fernandez dahil ang anak niya ay may sakit sa kidney at kailangang mag-dialysis tatlong beses kada linggo.

"Wala siyang magandang higaan, diyan lang siya sa upuan nakaganiyan. Iyong pambayad sa pag-dialysis nahihirapan ako kasi walang maghanapbuhay kasi nag-ano 'yung Mayon," ani Fernandez.

Pangunahing problema sa mga evacuation center ng mga evacuees o 'bakwit' ang mahinang tubig at baradong palikuran. 

Ayon sa Albay Provincial Health Department, nagkakahawahan na ng sakit na ubo, sipon, lagnat, at bulutong ang mga bakwit kaya maglalagay na sila ng isolation room sa mga evacuation centers.

"We have provided mats as their sleeping materials because alam mo naman cold ang floor and this will also triger health illnesses," ani provincial health chief Dr. Antonio Ludovice Jr.

Araw-araw na panalangin ng mga bakwit na makauwi na sila sa kanilang bahay pero tila matatagalan pa ito dahil sa patuloy na pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.

Isang grupo naman mula sa UP Resiliency Institute (UPRI) ang nagsimulang pag-aralan ang Bulkang Mayon. 

Kinukuhanan ng grupo ng thermal camera ang bulkan para malaman ang mga lugar na hindi dapat puntahan ng mga tao. 

Tinuruan na rin nila ang Local Climate Change Adaptation for Development kung paano kuhanan ang bulkan. 

Base aniya sa thermal images ng Mayon, mainit pa rin ang lugar kung saan dumadaloy ang lava. 

"Isa sa mga pinakaunang step kasi ng disaster prevention and mitigation ay to know your hazards. So ang ginagawa namin ngayon tina-try naming i-understand 'yung isa sa mga aspeto ng volacanic hazards," ani Narod Eco, science research specialist ng UPRI.

Umaasa ang grupo na makatutulong ang kanilang pag-aaral para mas makapagplano ang pamahalaan at maiwasan ang sakuna sa tuwing mag-aalboroto ang Mayon. 

--Ulat nina Raya Capulong at Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.