Kailangang 100 factory workers sa Taiwan, walang placement fee

ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2018 09:46 PM | Updated as of Jul 25 2019 06:00 PM

Watch more in iWantTFC

Halos 100 manggagawa ang kailangan ngayon ng isang malaking kompanya ng pagkain sa bansang Taiwan.

Ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), may urgent hiring sa Taiwanese company na I-Mei Foods Corporation.

Kailangan ng kompanya ng machine operators sa food processing, PLC technicians, general technicians, refrigeration at air conditioner maintenance, baker, cook, food analysis inspector, at mason.

Umaabot sa P25,000 ang sahod ng mga factory worker, na mas mataas sa basic pay ng mga household service workers.

Ayon naman kay Jocelyn Sanchez, deputy administrator ng POEA, malaking kumpanya ang I-Mei Foods Corporation na mayroong mga food pastry restaurants. Maganda rin umano ang pakikitungo ng employer.

"Itong company mayroong food pastry restaurants. Napakalaking company sa Taiwan...Compared sa iba, malaki ang suweldo dito and maganda ang accommodation at treatment ng employer,” ani Sanchez.

Magaan lang din ang qualifications para sa mga naturang trabaho.

Kailangan lang ay high school graduate na may kahit isang taong experience. Dapat din ay physically fit, malinaw ang mata, at marunong mag-Ingles.

Government-to-government ang hiring scheme kaya walang placement fee na kailangang bayaran.

Hindi rin sa mga recruitment agency ang application kung hindi tanging sa POEA lamang.

Kung interesado, mag-register muna sa https://eservices.poea.gov.ph/ 

Narito ang mga requirements na hinihingi ng POEA:

•Detalyadong resume na may job description
•High school diploma
•Passport na may at least 1 taong validity
•Birth certificate mula sa Philippine Statistics Authority 
•Kopya ng Taiwan ARC o NHI Card para sa mga dating nagtrabaho sa Taiwan
•Employment certificate sa dating pinagtrabahuhan
•2 pirasong 2x2 ID picture
•Certificate ng POEA online PEOS
•Training Certificate sa HACCP/GMP food sanitation course kung meron

Sa Abril itatakda ang interview na gagawin mismo sa POEA.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.