Ilang OFW, nangangamba sa bantang deployment ban sa Kuwait

ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2018 11:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nangangamba ngayon ang ilang overseas Filipino workers (OFW) matapos magpahayag si Pangulong Rodrigo Duterte na baka pauwiin na niya ang mga nasa Kuwait.

Ang banta ay kasunod ng mga napaulat na pang-aabuso sa mga OFW.

“One more incident about a woman, a Filipina being raped there, I’m going to stop, I’m going to ban. I’m sorry. The Filipinos there, you can all go home,” ani Duterte sa isang talumpati noong Enero 24. 

Dahil dito, hindi maalis ang pangamba ng mga Pinoy sa Kuwait at ng iba pang nasa dalawang milyong OFW na nasa Middle East. 

“Huwag po sana agad agad na iba-ban po kasi marami po kasing maapektuhan lalo na po kaming OFW,” ayon kay Lovelyn Delfin, OFW. 

“May apprehension kasi ‘yung mga iba po na wala namang problema, ‘yung mga mababait ‘yung amo, [maapektuhan din sila],” ayon naman kay Roy Señeres Jr., pangulo ng OFW Family Club. 

Hindi naman anila maikakaila na matindi ang pagmamaltrato sa mga Pilipino lalo na sa mga domestic helper pero may pangamba kung may dadatnan bang trabaho sa bansa ang mga pababaliking OFW.

“Ready na po ba ang ating gobyerno na bigyan sila ng trabaho dito which will give them equal pay, na katumbas ng kanilang sahod abroad?” ani Señeres.

Batay pa sa datos ng Department of Labor and Employment (DOLE), tumaas ngayon nang bahagya ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa sa 2.44 million nitong 2017 mula 2.36 million noong 2016.

Pero depensa ng pamahalaan, handa naman sila sakaling pabalikin ang mga OFW. 

“May mga nakaabang naman po tayo na assistance po para sa ating mga kababayan kung sakali po na sila po ay bumalik dito. It’s a matter of matching their skills do’n po sa available jobs abroad,” ayon kay Director Dominique Rubia-Tutay ng DOLE Bureau of Local Employment.

Nakikita din ng DOLE na mas marami pang trabaho ang magbubukas sa Pilipinas ngayong taon kaya posibleng mas maraming hindi na kailangan pang mangibang bansa para sa pamilya.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.