Bulkang Mayon 'naghihilom,' nagbago ng direksyon ng lava flow

ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2018 10:06 PM

Muling nagbuga ng lava at abo ang Mayon Volcano hapon ng Huwebes, January 25, 2018. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Nagbago ang direksiyon ng pag-agos ng lava mula sa bunganga ng Bulkang Mayon pasado alas-8 ng gabi nitong Biyernes sa patuloy pa ring pagiging aktibo nito. 

Ayon kay Paul Alanis, science research specialist ng Phivolcs Region 5, isa itong paraan ng paghihilom ng Bulkang Mayon.

"Noong nakaraang linggo po, 'yung lava flow dumadaan papuntang Camalig. Ngayon naman po, dahil napuno niya na 'yun, dito naman po sa bandang Buyuan ang dinadaluyan niya. Parang naghihilom po 'yung mga sugat niya," ani Alanis.

Watch more in iWant or TFC.tv

Dagdag niya, mananatiling "perfect cone" ang hugis ng bulkan dahil sa bagong direksiyon ng lava flow.

"Perfect cone pa rin naman po, fairly regular ang kaniyang eruption, nabibuild-up niya po 'yung sarili niya," aniya.

Huling sumabog ang bulkan bandang 1:40 ng hapon ng Biyernes, ayon kay Alanis.

"Sa kasalukuyan po, ito po ang tinatawag nating lava flow. Nagpapatuloy lamang ito. Ang kaibahan po ay nag-iba po ng direksiyon ang lava flow, ito po ay patungo ng Buyuan, papuntang silangan. Ito pong Buyuan ay nakatapat po sa Legazpi," aniya.

Nakataas pa rin ang Alert Level 4 sa bulkan, ang ikalawang pinakamataas na lebel ng alerto, habang 80,000 residente na ang lumikas dahil sa maaring malakas na pagsabog ng Mayon. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.