Jail officer, patay sa pamamaril sa Malabon

Angel Movido, ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2017 01:09 PM

Patay ang isang jail officer sa Malabon matapos makipagpalitan ng putok sa mga pulis sa Barangay Catmon.

Base sa paunang imbestigasyon, sakay ng patrol car ang mga pulis na sina PO1 Dennis Solis at PO1 Sherwin Benico at binabagtas ang Gov. Pascual Avenue nang lapitan ng isang concerned citizen at isinumbong ang isang lalaking lasing umano at nanunutok ng baril sa mga residente sa Hernandez Street.

Nang rumesponde mga pulis sa lugar, agad nagpaputok ang suspek na kinilalang si Romel Kindipan na myembro ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP ng Malabon.

Tinamaan ang kaliwang braso ni PO1 Solis dahilan para gumanti ng putok ang mga pulis.

Nadala sa ospital ang suspek pero makalipas ng dalawang oras ay binawian rin ng buhay. Nilalapatan pa ng lunas ngayon sa Manila Central University Hospital ang sugatang pulis.

Narekober mula sa crime scene ang siyam na basyo ng .9mm na baril.