Reserved Officers Training Corps (ROTC) drill sa University of the Philippines-Diliman campus sa Quezon City, Abril 30, 2017. Manny Palmero, ABS-CBN News/File
MAYNILA — Iminungkahi ng isang senador nitong Miyerkoles na huwag nang i-require na dumaan sa Reserve Officers Training Corps (ROTC) ang mga kumukuha ng technical vocational o tech-voc courses.
Sa pagdinig ng Senate subcommittee ukol sa “Revitalized Reserve Officers Training Act," tinukoy kung sino ang mga isasailalim sa training at kung isasali rin ang mga kumukuha ng kurso na mas mababa sa 2 taon, at maging ang mga kumukuha ng tech-voc courses.
Para kay Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa, hindi na dapat isali ang mga kumukuha ng tech-voc courses sa masasakupan ng mandatory ROTC.
"Kung gusto natin sila i-cover then pupwersahin natin ang TESDA (Technical Education and Skills Development Authority) na [gumawa] ng program para ma-cater 'yung ROTC requirements nitong mga less than 2 years na vocational students, added pressure on their part. Klaruhin na lang natin, pagdating sa technical-vocational courses students, 'yung 2-year courses na lang i-require natin ng mandatory ROTC," ani Dela Rosa.
Sinabi naman ng Department of National Defense (DND) na suportado nila ang panukala pero dapat punan ng pondo ang kanilang mga pangangailangan.
Dagdag pa rito, may critical requirements ang ROTC gaya ng manpower at logistics, ayon kay DND Undersecretary Franco Gacal.
"To run [the ROTC] program, the requirement is really enormous. Let’s say we have about 2,400 Higher Education Institutions (HEI) right now. Kung maglalagay ka ng 4 na tao kada HEI to run this mandatory ROTC program, immediately you need about 9,000 to 10,000 military personnel."
"Hindi pa kasama rito 'yung TESDA, hindi pa kasali dito 'yung tinatawag na out of school youth. Ten thousand military personnel is about 3 infantry divisions that would cover Davao Region, Caraga Region and Northern Mindanao Region," dagdag ni Gacal.
Ikinainis naman ni Dela Rosa ang naging tugon ni Gacal kaugnay sa mandatory ROTC.
"Alam mo 'pag ganoon ang attitude ng [DND] eh ihinto na lang natin ito. Balik tayo sa NSTP! Pinag-uusapan natin sa ROTC, tapos kayo pala sa Defense ayaw niyo pala. Gusto niyo ibigay ang trabaho sa CHED, sa TESDA, eh 'di 'wag na! Tama na 'to, Tama na usapan 'pag ganun attitude ninyo," ani Dela Rosa.
"Ayaw niyo pala ikarga sa shoulders niyo ang trabaho ng ROTC, takot pala kayo sa gastos. Kayo sa department, ayaw pala ninyo, parang lukewarm kayo, balik tayo sa NSTP," dagdag ng senador.
Bago naman matapos ang pagdinig ay humingi ng paumanhin ang senador dahil mali aniya ang pagkaintindi niya sa sinabi ni Gacal.
Ipinasisiguro naman ni Sen. JV Ejercito na hindi maaapektuhan ang internal security ng bansa kung sakaling kunin ang ilang sundalo mula sa field para magturo ng ROTC.
Bukod sa mga sundalo, sinabi rin ni Dela Rosa na maaaring ipagturo rin ng ROTC ang mga reservist gaya ng ilang pulitiko, artista at iba pa.
Habang nagsasagawa naman ng pagdinig ay tinapatan ito ng kilos protesta ng ilang estudyante na kontra sa mandatory ROTC.
Ilang estudyante, nagprotesta muli kontra mandatory ROTC
Giit nila, hindi sila inimbitahan sa pagdinig gayong sa kanilang sektor ipatutupad ang panukalang batas.
Dahil dito, sinabi ni Dela Rosa at sa suhestyon na rin ni Sen. Pia Cayetano ay imbitahan sa susunod na pagdinig ang youth sector.
Sa taya ng National Youth Commission, pagdating ng July 2023 ay nasa 13.9 milyon ang kabataang Pinoy na nasa edad 18-24 at posibleng sumailalim sa mandatory ROTC.
Tinatayang isang pagdinig pa ang gagawin at target na ma-sponsor ang panukala sa plenaryo bago ang break ng Senado sa Marso.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.