PatrolPH

2 sugatan, 20 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa Caloocan

Karen de Guzman, ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2023 12:42 PM

Tulong-tulong ang mga residente sa Sangandaan, Caloocan sa pag-apula ng sunog na sumiklab sa lugar, Enero 25, 2023. ABS-CBN News
Tulong-tulong ang mga residente sa Sangandaan, Caloocan sa pag-apula ng sunog na sumiklab sa lugar, Enero 25, 2023. ABS-CBN News

Dalawang tao ang nasugatan habang nasa 20 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na tumama sa residential area sa Caloocan City nitong madaling-araw ng Miyerkoles.

Tinatayang aabot sa P300,000 ang halaga ng pinsala sa ari-arian ang idinulot ng sunog na sumiklab sa Barangay Dos, Sangandaan pasado alas-3 ng madaling-araw.

Sa pamamagitan ng pagpapasa-pasa ng mga balde ng tubig, nagtulong-tulong ang mga residente ng barangay para maapula ang apoy.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa isang bahay na gawa sa yero at kahoy kaya mabilis kumalat ang apoy.

Nahirapan din umanong rumesponde ang mga bomebero dahil sa kitid ng daan.

"Ang problema lang po kasi 'yong access natin sa loob, masikip, maraming nakaparadang sasakyan," sabi ng bomberong si Elyzer Leal.

Sa inisyal na imbestigasyon, posibleng electrical overload o mga jumper ng kuryente ang sanhi ng sunog.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog, na tuluyang naapula bandang alas-6 ng umaga.

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.