PatrolPH

Opisyal ng party-list group vs droga arestado sa buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2022 08:47 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong lalaki dahil sa pagbebenta umano ng kalahating kilo ng shabu sa Dasmariñas, Cavite. 

Agad pinaligiran ng NBI ang isang kotse sa isang talipapa sa Dasmariñas at nagdeklara ng aresto. 

Sa loob kasi ng kotse nangyari ang buy-bust operation kung saan nagkunwaring bumibili ng kalahating kilong high grade shabu ang mga operatiba sa halagang P1 milyon.

Ang pinagsususpetsahang mastermind ay si Jerklie Abdulkarim. Inamin niyang regional officer siya ng tumatakbong party-list group na People’s Volunteers Against Illegal Drugs. 

Pero nilinaw niya na walang kinalaman ang grupo sa krimen.

Kasama sa nahuli ay ang isang menor de edad na ginawa umanong courier ng droga.

Pero ayon sa NBI, ilang taon nang nagbebenta ng droga ang mga suspek sa Cavite at Metro Manila. 

Kinokondena naman ng People’s Volunteers Against Illegal Drugs ang pagkakadawit ni Abdulkarim.

Magkakaroon daw sila ng internal investigation at makikipagtulungan sa NBI.

Dinala muna sa DSWD ang suspek na menor de edad, habang kulong ang 2. 

Lahat sila ay kinasuhan ng paglabag sa Dangerous Drugs Act.

—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.