Nagkabakbakan nitong Linggo sa Davao de Oro ang mga sundalo at hinihinalang miyembro ng New People's Army, ayon sa mga residente malapit sa pinangyarihan at sa awtoridad.
Nakuhanan ng video ni Bayan Patroller Jeane Sigues ang pangyayari sa Barangay Panoraon, bayan ng Maco, kung saan dinig nila ang palitan ng putok.
Courtesy: Jeane Sigues
Makikita sa video ang bukid na hinala nilang doon galing ang magkakasunod na putok ng armas na kanilang narinig.
Kuwento niya, nagtago ang kaniyang pamilya, kabilang ang 4 na taong gulang na bata, sa underground ng bahay.
Umabot umano nang 45 minuto ang bakbakan.
"Natakot ako baka matamaan kami ng mga ligaw na bala, lalo't napakalapit na lamang sa amin ang putukan. Nangamba rin ako baka mag-cause ng trauma sa mga bata ang nangyari," kuwento ni Sigues.
Nangangamba rin silang baka maulit ang pangyayari.
Sa video naman ni May Perdicos, dinig ang takot ng kaniyang pamilya habang nangyayari ang bakbakan.
Kinumpirma ni 10th Infantry Division spokesperson Capt. Mark Anthony Tito ang nasabing engkwentro sa pagitan ng tropa ng 1001st Infantry Brigade at mga miyembro ng Regional Operations Command ng Southern Mindanao Regional Committee ng New People's Army.
Ayon sa militar, isinagawa ang opensiba kasunod ng impormasyon mula sa concerned citizen kaugnay sa presensya ng mga armadong rebelde roon.
Ayon sa militar, walang casualties sa tropa ng gobyerno at mga sibilyan, habang inaalam pa nila kung may casualty sa NPA.
Nakarekober umano ng tropa ng gobyerno ang mga personal na gamit at mga backpack, telescope, military map at iba pa, na pagmamay-ari umano ng NPA.
-- Ulat ni Hernel Tocmo
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
regions, regional news, BMPM, Bayan Patroller, Bayan Mo Patrol Mo, Tagalog News, PatrolPH